MANILA, Philippines - Sumuko kamakalawa ang isang 20-anyos na lalaki na umaming nanaksak at nakapatay sa caretaker ng isang housing project matapos na sitahin umano siya nito habang dumudumi sa loob ng isa sa mga unit ng pabahay sa Malabon City.
Kasalukuyang nakakulong sa himpilan ng pulisya ang suspek na si Samuel de Vera ng Barangay Concepcion, Malabon dahil sa pamamaslang sa biktimang si Carlos de Guzman, 40, caretaker ng housing project ng National Housing Authority sa Governor Pascual Avenue, Barangay Baritan, ng naturang lungsod.
Sinabi ni de Vera na, noong hapon ng Nobyembre 17, napadaan siya sa naturang pabahay at kumalam ang sikmura dakong alas-5 ng hapon noong Nobyembre 17. Hindi na umano niya nakayanan ang tawag ng kalikasan kaya pumasok siya sa isa sa mga unit upang doon magbawas.
Dito umano siya naabutan ni de Guzman na naging dahilan sa mainitang pagtatalo. Sa alibi nito, si de Guzman umano ang naglabas ng patalim at akmang sasaksakin siya pero naagaw niya ang patalim at nasaksak niya ang biktima. (Danilo Garcia)