MANILA, Philippines - Tatlo katao ang nagpatiwakal dahil sa kani-kanilang mga problema na hindi na nila nakayang dalhin sa kanilang dibdib sa magkakaibang lugar sa Metro Manila kahapon.
Nagbigti sa kisame ng kanyang bahay sa 19 C. Adelfa St., Brgy. Tansa, Navotas ang 56 anyos na mister na si Teodolfo Felix na sinasabing nabaon sa utang.
Bandang alas-7 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ni Felix ng asawa niyang si Edith sa ikatlong palapag ng kanilang bahay.
Ayon sa ginang, may ilang minuto din niya hinanap ang kanyang mister at tumambad sa kanya ang kanyang mister na nakabitin sa kisame habang nakatali ang isang nylon cord sa leeg nito.
Natagpuan sa tabi ng bangkay nito ang isang suicide note, na nakasaad ang ganitong mga kataga:
“Edith: Pasinsya ka na kung bakit ko ginawa ito dahil pareho tayong nahihirapan sa kalagayan natin ito, kasi marami tayong pinagkakautangan, nahihiya ako dito sa gagawin ko kahit konti makabawas sa utang. Huwag mong pababayaan ang mga bata at ang anak mong si Monina at ang sarili mo. Patawad sa ginawa ko. Teddy”.
Dahil naman sa iniindang sakit kaya nagpakamatay sa pamamagitan ng paglaslas sa kanyang braso ang 21- anyos na dalagang si Marjorie Magpusao ng 28 Tulip St., Brgy. Saint Dominic, Quezon City.
Dakong ala-1 ng hapon kamakalawa nang matuklasan ang bangkay ni Magpusao sa loob ng kanyang bahay.
Sinasabing dumating ang kapatid ni Magpusao na si Mary Joice galing sa eskuwelahan nang makita ang una na duguan na sa kusina at may laslas sa kaliwang braso gamit ang kitchen knife.
Nalaman pa sa ina ng biktima na nasa anim na buwan nang may primary complex ang dalaga na malamang na iniinda nito at ito ang siyang maaring dahilan kung bakit nagpakamatay ang anak.
Dahil naman sa umano’y hindi makayanang problema kaya nagpatiwakal sa pamamagitan ng pagtungga ng silver cleaner ang isang tinedyer kahapon ng madaling araw sa Tondo, Maynila.
Sa kabila nito, tumanggi naman ang pamilya ng biktima na ipalathala pa ang pangalan ng 16-anyos na nasawi bilang respeto umano dito at hindi na rin pinaimbestigahan sa pulisya ang kaso bunsod na rin sa paniniwalang walang naganap na foul play sa pagkamatay nito.
Sa ulat naman ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, bandang alas-3:40 ng madaling-araw nang matagpuang patay ang biktima sa loob ng kanilang bahay sa Planas St., Tondo matapos umanong uminom ng silver cleaner.
Kaagad isinugod ng pamilya ang biktima sa Ospital ng Maynila subalit idineklara na itong dead-on-arrival.
Tumanggi rin naman ang pamilya ng biktima na sabihin sa pulisya ang tunay na motibo ng pagpapakamatay ng kanilang kaanak.