MANILA, Philippines - Patay ang dalawang miyembro ng sindikato ng droga makaraan ang engkwentro sa pagitan ng umaarestong operatiba ng District Anti-illegal Drugs matapos ang pagsalakay sa kanilang lungga sa lungsod Quezon kamakalawa.
Dead on the spot ang mga biktimang sina Asmah Sadana, 33, at Gilbert Ilagan, 37.
Narekober sa mga suspek ang isang granada, isang kalibre 38 baril, at tatlong piraso ng plastic sachet na pinaniniwalaang shabu.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa may 112 Garcia compound na matatagpuan sa AFP road, Brgy Holy Spirit sa lungsod pasado alas- 5 ng hapon.
Bago ito, nagsagawa umano ng surveillance ang DAID-TF sa lugar dahil sa impormasyong gumagala na naman ang grupo ng sindikato sa lugar na nagpapakalat ng droga.
Nang makumpirma ang impormasyon, agad na nagsagawa ng pagsalakay ang tropa kung saan bago pa lamang makalapit ang awtoridad ay nakatunog na ang mga suspek at pinaputukan na ang mga ito.
Dahil dito gumanti ng putok ang mga operatiba sanhi upang agad na tamaan ang dalawa sa mga suspek habang nakatakas naman ang limang kasamahan ng mga ito.
Ang mga nasabi ring suspek ang sinasabing responsable sa pagpatay sa asset ng DAID-TF na si Wency Casino na kanilang pinagbabaril habang nagsasagawa ng test buy sa nasabing lugar noong Nobyembre 16, 2009 ganap na alas- 9 ng gabi.
Sa ngayon, patuloy ang pagtugis ng awtoridad sa natitirang mga kasamahan ng mga nasawing suspek na pawang armado rin ng baril. (Ricky Tulipat)