MANILA, Philippines - Sa damit na suot na lamang umano nakilala ng kaanak ang binatang nagulungan ng rumaragasang dump truck dahil sa pagkabasag ng bungo at lasog na katawan nito, habang nagmamaneho ng motor siklo, sa Ermita, Maynila.
Dead-on-the-spot ang biktimang si John Paul Yao, ng M. Natividad St., Sta. Cruz, Maynila.
Pinasibad naman umano ng driver ang kanyang minamanehong dump truck matapos masagasaan ang biktima sa direksiyon ng south.
Sa ulat, dakong alas-2:15 ng madaling- araw nang maganap ang insidente sa kanto ng P. Burgos Ave., at Ma. Orosa St., Ermita, Maynila.
Binabagtas ng di nakilalang driver ang kahabaan ng P. Burgos Ave., habang minamaneho nito ang isang dump truck subalit pagsapit sa P. Burgos Ave., nang naabutan ng red signal light.
Hindi na nagawang huminto ang driver na siya namang pagliko ng biktima sakay ng kanyang motorsiklo na Honda wave (UB 9623) dahilan upang magulungan ito ng rumaragasang dump truck.
Dahil sa malakas ng pagkakabangga ng driver ng dump truck sa binata kaya nabasag ang bungo nito dahilan ng kanyang agarang kamatayan. (Ludy Bermudo)