Walang patay sa demolisyon - giit ng pulisya

MANILA, Philippines - Nilinaw kahapon ng pamahalaang lokal ng Pasay City na walang na­sawi sa isinagawa nilang demolisyon sa reclaimed area na tinayuan ng mosque ng mga Muslim matapos na maiulat na tatlong residente ang na­sawi sa pamamaril ng mga tauhan ng Special Wea­pons and Tactics (SWAT) unit.

Hinamon ni Pasay Traffic and Parking Ma­nage­ment chief, Florencio San Mateo si Anak Min­danao partylist Rep. Mujiv Hataman na ilabas nito ang sinasabi niyang mga bangkay ng mga nasawing residente na iginigiit nito na napatay sa naturang de­mo­lisyon. Inakusahan ni San Mateo si Hataman na gumagawa lamang ng kuwento upang mapa­sama ang pamahalaang lokal ng Pasay at Pasay City Police.

“They must produce the bodies at patunayan nila na namatay sa demo­lition. They are welcome in filing a case pero kung walang katawan hindi magpo-prosper iyon,” ani San Mateo matapos na igiit ng mga Muslim na dine­molis na inilibing na uma­no nila ang mga bangkay base sa kanilang tradisyon na hindi dapat aabutan ng takipsilim.

Pinasinungalingan rin nito ang sinasabi ng mga residente na hindi sila nasabihan ng maaga bago ang demolisyon dahil sa una umanong isinerve ang “notice to vacate” nitong nakaraang Agosto at ipina­tupad lamang ngayong Nobyembre.

Sinabi naman ni Pasay police chief, Sr. Supt. Raul Petrasanta na handa nilang harapin ang anu­mang reklamo na sina­sabing isasampa ni Datu Amerol Ambiong sa Com­mission on Human Rights (CHR). Sinabi nito na patuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon kung sino ang nagpaputok sa natu­rang lugar ngunit iginiit na wala talagang namatay sa insidente. (Danilo Garcia)

Show comments