MANILA, Philippines - Minalas na nasawi ang isang 41-anyos na lalaki makaraang makulong ito sa loob ng kanyang nasusunog na bahay nang hindi agad magising, kahapon ng madaling-araw sa Parañaque City.
Nakilala ang nasawi na si Erwin Lebron, binata, at residente ng Cattleya St., Camdia Homes, ng naturang lungsod. Sugatan naman sa naturang sunog ang 49-anyos na si Jesusito Lebron nang masunog ang likod nito.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection-Pasay, sumiklab ang apoy dakong alas-12:28 ng madaling- araw sa bandang sala ng bahay na pag-aari ni Unda Lebron, 60. Mabilis na kumalat ang apoy kung saan mabilis na nakalabas ng bahay ang pamilya Lebron maliban lamang kay Erwin.
Mabilis namang naapula ng mga rumespondeng bumbero ang apoy dakong alas-12:55 ng madaling-araw kung saan umabot lamang sa unang alarma ang sunog.
Sa inisyal na ulat, posible umanong nagmula ang apoy sa nag-overheat na bentilador sa sala ng bahay na naiwanang nakabukas. Umaabot naman sa P600,000 ang kabuuang halagang natupok ng apoy. (Danilo Garcia)