MANILA, Philippines - Dahilan sa maling record system ng bansa kayat maraming mga kriminal ang nabibigyan pa rin ng police at NBI clearance.
Bunsod nito kayat hiniling kahapon ni Public Attorney*s Office (PAO) Chief Persida Rueda-Acosta sa Korte Suprema at National Bureau of Investigation (NBI) na ipatupad na ang access to justice system na siyang ginagamit ng mga mauunlad na bansa tulad ng Estados Unidos.
Sa pamamagitan umano nito ay magiging consolidated ang rekord ng mga kriminal at lahat ay idadaan sa NBI para sa update at final record.
Layon umano nitong palakasin ang hustisya sa bansa at maiwasan na rin ang pagkakamali sa mga taong may kapangalan ng isang kriminal.
Naniniwala naman si Acosta na tutugon dito ang Korte Suprema, PNP at NBI sa kabila ng maselan at marami pang mga prosesong pagdadaanan dito. (Gemma Amargo-Garcia)