SB at Bistek sasanib na sa LP

MANILA, Philippines - Tinapos na ng kampo nina Quezon City Mayor Feliciano “SB” Belmonte Jr. at Vice Mayor Herbert M. Bautista ang matagal nang isyu na tatalon ang mga ito sa Partido Liberal (LP).

Kinumpirma kahapon ni Mayor Belmonte na lilipat na siya at ang kanyang bise alkalde sa LP subalit hindi naman nito ipinaliwanag ang dahilan ng pagtalon mula sa administration party patungo sa oposisyon.

Kasama rin nina Mayor Belmonte at Bautista ang anak ng alkalde na si Joy Belmonte, pangulo ng QC Ladies Foundation at makaka-tandem ni Bautista sa 2010 elections.

Ang Alkalde umano ay nag­paplanong bumalik sa pagka-kongresista ng ikaapat na distrito ng QC habang sina Bautista at ang batang Bel­monte ang magka-tandem bilang alkalde at bise alkalde.

Nakatakdang manumpa ngayong alas- 9 ng umaga ang mag-amang Belmonte at si Bautista bilang miyembro ng Partido Liberal sa Amoranto Multi-Purpose Theatre sa Scout Chuatoco, Quezon City.

Si Bautista ang mahigpit na kalaban ni Phil National railways Chairman Mike Defensor sa Mayorial race sa QC. (Angie dela Cruz)

Show comments