MANILA, Philippines - Kalaboso ang anim na empleyado ng Metro Manila Development Authority (MMDA) matapos maaktuhang nagnanakaw ng kawad ng kuryente ng Meralco sa lungsod Quezon kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga suspek na sina Erleo Reyes, 29; Paulino Consolacion, 27; Rey Buenvenido, 33; Jun Mojica, 24; Michael Cabrera, 29, at Rico Teddy, 45.
Ayon sa ulat, ang mga suspek na pawang naka-uniporme pa ng MMDA ay inireklamo ng kasong pagnanakaw ng representative ng Meralco na si Arjay Acevedo, command center secretary officer ng Meralco.
Sa ulat, nangyari ang pag-aresto sa mga suspek sa may kahabaan ng Sid Santol St., corner Ilocandia St., Galas sa lungsod pasado alas- 9 ng gabi.
Dala ng mga suspek ang isang Isuzu dump truck ng MMDA na walang plaka at nagsasagawa ng pagpuputol ng kawad ng kuryente sa nasabing lugar.
Tiyempo namang nagroronda ang operatiba ng PS11 kasama ang tropa ng mga barangay at naispatan ang mga suspek dahilan upang sitahin ang mga ito.
Sa presinto, itinatanggi ng mga suspek na ninanakaw nila ang kawad at kaya lang daw nila pinuputol ay para ikabit sa mga residenteng naapektuhan ng bagyong Ondoy na walang mga kuryente, bagay na hindi naman kinagat ng mga awtoridad.
Ayon kay Acevedo, sa pagputol ng mga suspek sa kawad ng kuryente maraming mga residente sa nasabing lugar ang nawalan ng suplay ng kuryente na hindi naman dapat mangyari sa kanila. (Ricky Tulipat)