Demolisyon sa Pasay: 3 patay
MANILA, Philippines - Tatlong residente ng Golden Mosque Muslim community ang sinasabing nasawi makaraang magkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng mga residente at Special Weapons and Tactics unit ng Pasay City Police sa madugong demolisyon, kahapon ng umaga sa Pasay City.
Sa pahayag ni Anak Mindanao partylist Rep. Mujiv Hataman sa mga mamamahayag, kinilala nito ang mga nasawi na sina Hakim Usman, 30; Rajib Catis, 7-anyos; at Yakub Makauma, 30-anyos, pawang mga residente ng Islamic Center sa may Roxas Boulevard, ng naturang lungsod.
Itinanggi naman ni Flo rencio San Mateo, hepe ng Pasay Traffic and Parking Management at pinuno ng demolition team, na wala silang alam na nasawi sa naturang insidente. Sinabi rin ni Pasay police chief, Supt. Raul Petrasanta na walang nasawi at palabas lamang umano ng mga residenteng Muslim na may namatay upang makasuhan ang pulisya.
Samantala, isinugod naman sa San Juan De Dios Hospital ang dalawa pang sugatang residente ng naturang lugar at siyam na miyembro ng demolition team na nasugatan sa naganap na demolisyon.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-7 ng umaga nang isagawa ang demolisyon sa bisa ng court order mula sa Parañaque City Regional Trial Court branch 474 na nasa ilalim ni Judge Fortunito Petrona na inilabas pa noong Agosto 11 subalit kahapon pa lamang naipatupad ng mga otoridad.
Nag-umpisang maging marahas ang naturang demolisyon makaraang mag-umpisang mambato ng malalaking tipak ng bato at molotov bombs ang mga residente habang ang ilan ay sinasabing nagpaputok rin ng baril. Gumanti naman umano ng putok ang mga miyembro ng Pasay SWAT na nagbibigay ng seguridad sa demolisyon sa mga nagwawalang mga residente.
Makalipas ang isang oras, nagawa ring mapasok ng demolition team ang naturang lugar at magiba ang mga barung-barong na itinayo ng mga iligal na residente.
Nabatid na nakatakdang gawin umanong “intermodal terminal” ang naturang lugar na magiging sentro ng transportasyon ng Metro Manila at mga lalawigan sa Timog Katagalugan. Hindi naman ginalaw ng demolition team ang umano’y ipinagtatanggol na Mosque sa naturang lugar na pagagandahin pa umano ng Pasay City Government.
- Latest
- Trending