Nene hinalay, pinatay

MANILA, Philippines - Natagpuan kahapon ng umaga ang bangkay ng isang dalagita na hinihinalang biktima ng rape-slay sa gilid ng isang creek, sa Parañaque City.

Basag ang mukha ng biktimang tinatayang nasa pagitan ng edad na 14-16 anyos, nang matagpuan ito ni Consolacion Bagting, street sweeper ng MMDA dakong alas-8 ng umaga.

Nabatid na nakalilis ang damit pang-itaas ng biktima at nakababa ng hanggang hita ang suot nitong panty.

Sa ulat ng Parañaque police, huling nakita ang biktima ng 63-anyos na si Cristeta Velasco nang sumama ito sa dalawang hindi pa kilalang lalaking sakay ng isang motorsiklo dakong alas-3 ng hapon kamakalawa malapit sa Excelsior Building sa Roxas Boulevard. Sinabi ni Velasco na ang dalagita umano ang lumapit sa kanya at nanghingi ng pagkain bago sumama sa dalawang lalaki sakay ng isang motorsiklo.

May hinala naman ang pulisya na kabilang ang biktima sa ilang mga “solvent girl” na pagala-gala sa Roxas Boulevard matapos makakalap ng impormasyon sa ilang usisero na nakikita na nila ang biktima na kabilang sa mga lumalaboy sa lansangan at nanghihingi ng pagkain sa mga motorista. (Danilo Garcia)

Show comments