2 patay sa 'special agent' ng NBI
MANILA, Philippines - Dalawang lalaki ang nasawi makaraang pagbabarilin sila ng kapitbahay nilang nagpapakilalang “special agent” ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa tuksuhan, kamakalawa ng gabi sa Muntinlupa City.
Patay na nang idating sa pagamutan sina Noli Dimaapi, ng Block 9 Lot 11 Katarungan Village 2, Brgy. Poblacion at Edmundo Ullega, residente rin ng naturang lugar. Nabatid na natadtad ng bala ang katawan ni Dimaapi habang nagtamo ng tama ng bala sa mukha si Ullega.
Tumakas naman ang suspect na nakilala lamang sa pangalang Saul Hermano, kapitbahay ng mga biktima at umano’y special agent ng NBI matapos ang ginawang pamamaril.
Sa imbestigasyon ng Muntinlupa police, papauwi na ng kanyang bahay ang suspek pasado alas-9 ng gabi nang mapadaan sa dalawang biktima na nag-iinuman. Nagparinig umano ang mga ito na paparating na ang miyembro ng “Takuza” (takot sa asawa) habang may nagsalita pa na “ander de saya” ito.
Dito nagpanting ang tenga ng suspek na agad na bumunot ng dala niyang baril at binistay ng bala ang mga kapitbahay na nag-iinuman.
Nabatid na pinag-initan ng mga kapitbahay ang suspek nang manita ito sa ingay ng pag-iinuman sa kalsada at minsa’y pagpapaputok ng baril ng mga kapitbahay sanhi upang magpakilala itong ahente umano ng NBI. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending