MANILA, Philippines - Dalawang pulis ang nasawi makaraan ang madugong engkuwentro sa pagitan ng mga ito, ilang segundo naman matapos na barilin sa ulo ng isa sa una ang kanyang 16-anyos na live-in partner sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang mga nasawi na sina PO2 Joaquin Angib, nakatalaga sa Police Station 3 ng QCPD; at SPO1 Hassan Baharan, 49, residente sa Salam Mosque compound, Brgy. Culiat at nakatalaga sa National Capital Regional Police Office (NCRPO).
Una nang napatay ang 16-anyos na si Nina Ramos na live-in partner ni Baharan.
Sugatan din sa insidente sina PO2 Ayub Abdullah, at mga bystander na sina Rodito Santos, 49, at Romeo Abueva, 49, na tinamaan ng ligaw na bala.
Ayon kay PO3 Norlan Margallo ng Criminal Investigation and Detective Unit ng QCPD, si Baharan umano ang pinag-umpisahan ng nasabing gulo matapos nitong barilin sa ulo ang kanyang kinakasamang si Nina Ramos na agad na nasawi.
Matapos todasin ang kinakasama ay umuwi ng kanyang bahay ang suspek at nagsuot ng kanyang uniporme saka kinomander ang tricycle ni Teodoro Rabara, at tumakas patungo sa Tandang Sora Avenue.
Sinundan naman ito ng tropa ng mga barangay tanod ng Brgy. Baesa kung saan habang nagkakahabulan, tiyempo namang malapit sa area sina PO2 Angib at PO2 Abdullah sakay ng mobile patrol car at nakita ang komosyon.
Dahil dito, hinabol na rin ng dalawang pulis ang sasakyan ng suspek hanggang sa maabutan nila ito at mapahinto sa may Ambuklao Baesa, Mendez Road, sa lungsod.
Mula sa tricycle ay bumaba si Baharan at agad na pinaputukan sina Angib at Abdullah na agad na tinamaan sa kanilang katawan.
Bagama’t, sugatan nagawa pa ng dalawang pulis na gumanti ng putok sanhi upang mapatay nila ang suspek. Agad na itinakbo sina Angid at Abdulah sa Lanting General Hospital kung saan idineklarang dead on arrival ang una dahil sa isang tama ng bala sa dibdib, habang ang huli ay inilipat naman sa East Avenue Medical Center matapos na malapatan ng lunas dito.
Samantala, sa palitan ng putok ay tinamaan ng ligaw na bala sina Santos, Abueva na ginagamot din sa EAMC.