Tanod tinodas ng driver
MANILA, Philippines - Patay ang isang 53-anyos na barangay tanod matapos saksakin ng isang pedicab driver, dahil lamang sa alitan sa kanilang gawain sa barangay hall, sa Paco, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Hindi na umabot nang buhay sa pagamutan si Emmanuel Bernabe, ng Brgy. 736, Zone 80, District 5 at residente ng Mataas na Lupa cor. Pres. Quirino Avenue, Paco dahil sa tinamong saksak sa katawan.
Sa ospital din bumagsak ang suspek na si Rolando Bautista, 38, isang pedicab driver, matapos masugatan nang makorner ng mga rumespondeng tanod matapos itong mahulog sa terrace ng bahay na kanyang pinagtaguan.
Naganap ang insidente dakong alas-3:15 ng madaling araw sa Mataas na Lupa St., sa Paco. Nabatid na nagkukuwentuhan ang biktima at kaibigan nito nang dumating ang suspek at pasigaw na sinita ang biktima hinggil sa aktibidad sa kanilang barangay.
Nauwi sa pagbubunot ng patalim ng suspek ang maikling pagtatalo at agad na inundayan ng saksak ang biktima saka mabilis na tumakas.
Nadiskubre naman ng mga tanod na nagtago ang suspect sa 1214 C-I Mataas na Lupa St., Paco, bahay umano ng kanyang pinsan at nagtangkang tumakas sa pamamagitan ng palihim na pagdaan sa terrace subalit minalas na mahulog ito at pumutok ang ulo. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending