MANILA, Philippines - Nahaharap ngayon sa kasong physical injuries at slander ang tatlong anak ng isang barangay kagawad at nobyo ng isa sa mga ito matapos na pagtulungang bugbugin ang isang vendor kamakalawa sa Quiapo, Maynila.
Personal na dumulog sa tanggapan ng Manila City Hall Reporters’ Association ang biktimang si Daisy Luzuriaga, 24, vendor, upang ireklamo ang magkakapatid na sina Joana, Anjo at Angeline Anatalio at live-in partner nito na si Leonard Ayuban na kapwa naninirahan sa no. 24 Oscares St. Quiapo.
Batay sa pahayag ni Luzuriaga, dakong alas-2:00 ng hapon ng Nobyembre 12 habang nagtitinda siya ng mga gulay at itlog sa panulukan ng Palanca at Villalobos St., bigla siyang sinugod ng mga suspek.
Ayon kay Luzuriaga, sabunot, batok at suntok ang kanyang tinamo mula sa mga kamay ng tatlong magkakapatid na napag-alamang mga anak ni Kagawad Angelita Anatalio at mula kay Ayuban.
Bukod sa pambubugbog, pinagsabihan pa umano si Luzuriaga ng mga masasakit at malalaswang salita ng mga suspek. Hindi niya alam ang dahilan ng pagsugod ng mga ito. (Doris Franche)