Political lawyer sugatan: Simbahan grinanada
MANILA, Philippines - Isang abogado ang sugatan nang sumambulat ang isang granada na inihagis ng isang hindi nakikilalang lalake sa harap ng isang kapilya ng Methodist sa lungsod Quezon kahapon ng tanghali.
Nakilala ang biktima na si Atty. Manuel Molina, umano’y political lawyer na nag tamo ng sugat sa katawan dahil sa mga sharpnel.
Sa lakas na pagsabog ay nawasak ang salamin ng isang Honda City (WEJ-770) kung saan sumabog ang granada.
Sinasabing nangyari ang insidente sa may harap ng Kamuning First Methodist Church sa Kamuning Road, corner Edsa sa Quezon City.
Kalalabas lamang ng biktima sa naturang simbahan nang sumulpot ng isang naka-jacket na lalake at naghagis ng granada.
Ayon sa mga nakasaksi, sa paghagis ng suspek ng granada ay tumama ito sa bubungan ng Honda City saka gumulong patungo sa windshield kung saan ito sumambulat.
Tiyempo namang malapit sa lugar ang biktima kaya tinamaan ito habang ang suspek ay mabilis namang naglakad papalayo sa lugar.
Bukod sa Honda City bahagya ring napinsala ang tatlo pang sasakyan tulad ng isang Volvo (JLA-800), Toyota Corolla (TSS-350), at Nissan Van (TMC-356).
Narekober ng awtoridad sa nasabing insidente ang pira-piraso bakal, at safety pin na mula sa MK2 fragmention grenade.
- Latest
- Trending