MANILA, Philippines - Plano ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na isailalim sa “Basic Rescue Operations Training” ang 20% puwersa ng kanilang pulisya sa buong Metro Manila upang palaging handang rumesponde sa panahon ng mga kalamidad at emergency.
Ito’y makaraang may 37 unang batch ng pulis ang nagtapos sa limang araw na pagsasanay sa emergency medical action, rope training, water safety and survival, at pagpapatakbo ng mga bangka. Sinabi ni NCRPO chief, Director Roberto Rosales na regular na isasagawa ang naturang pagsasanay hanggang sa 20 porsyento ng kanilang mga tauhan ang matuto nito.
Bukod umano sa paglaban sa kriminalidad, nararapat na laging handa rin ang pulisya na tumulong sa komunidad tuwing may kalamidad partikular na sa “rescue, relief, at rehabilitation operations”. Hindi na umano dapat pang maulit ang mabulaga ang pulisya sa naganap na matinding pagbabaha sa Metro Manila sa nakaraang bagyong Ondoy.
Ipinagmalaki rin ng NCRPO ang bagong biling 11 kahoy na rescue boats at anim na rubber boats na armado ng “trunk radio, Global Positioning System (GPS), camera na may infrared, at search lights. Bibigyan rin ang mga rescue team ng life vests, floating device, at mga thermal blankets para sa mga biktima ng baha. (Danilo Garcia)