MANILA, Philippines - Kusang tumalon o may nagtulak?
Ito ang palaisipang tanong ng mga awtoridad sa isang hindi nakikilalang lalake na natagpuang basag ang bungo at wala nang buhay matapos na mahulog sa may 10 talampakang taas ng tulay sa Quezon Avenue sa lungsod kahapon ng umaga.
Walang nakuhang anumang pagkakakilanlan sa nasawi na inilarawang nasa edad na 35-40, may taas na 5’5’’, maputi, panot at nakasuot ng itim na short pants.
Ayon sa pulisya, sa ngayon iniimbestigahan nila ang anggulong may foul play dahil may nagsasabing nakipagpambuno umano ang biktima sa isang hindi nakikilalang lalake bago ito nahulog.
Pasado alas-7 ng umaga nang matagpuan sa ilalim ng footbridge sa kanto ng Que zon Ave. at Edsa Brgy. Central sa lungsod ang bangkay ng biktima.
Sinasabi ng ilang saksi na nakita nilang tumalon ang biktima buhat sa itaas, ngunit may ilan namang nagsasabi na may nakaalitan ito bago ang pangyayari at itinulak siya. Ngayon ay iniimbestigahan na ng mga awtoridad. (Ricky Tulipat)