2 carjacker naman todas sa Quezon City

MANILA, Philippines - Dalawang hinihinalang car­­jacker ang napatay maka­raan umanong makipagpa­litan ng putok sa tropa ng Anti-Car­nap­ping Unit ng Quezon City Police ilang minuto ma­tapos na itakas ang kotse ng isang doktor sa lungsod ka­hapon ng madaling-araw.

Ayon kay Supt. Marcelino Pedroso, hepe ng District Po­lice-Intelligence and Investiga­tion Unit ng QCPD, inaalam pa rin nila ang pagkakakilan­lan sa mga nasawing suspek.

Inilarawan ang unang sus­pek na nasa edad 30-35, may taas na 5’5’’, payat, kayu­manggi, nakasuot ng itim na t-shirt, maong pants. Habang ang isa naman ay nasa 35-40 taong gulang, 5’5’’ ang taas, payat, mahaba ang buhok, naka-gray t-shirt, maong pants at asul na sapatos.

Maari rin anyang mula sa probinsiya sa Norte ang gina­galawan ng mga suspek dahil patungo ang mga ito sa parte ng Bulacan nang mangyari ang engkuwentro.

Ayon sa ulat, naganap ang   eng­kuwentro sa harap ng Neo­­politan Subd. na matatag­puan sa Mindanao Ave. sa nasabing siyudad dakong ala-1:30 ng madaling-araw.

Nabatid na nag-ugat ang bakbakan nang puwersahang kunin ng mga suspek ang isang Honda Civic (VCC-728) na pag-aari ng isang Dr. Angelito Alava, nakatalaga sa Veterans Hos­pital habang ang una ay papa­sakay sa kan­yang kotse na nakaparada sa harap ng Mighty Supermart sa ka­habaan ng Shorthorn, Brgy. Bahay Toro, Proj. 8 ganap na alas-12:30 ng madaling-araw.

Sinasabing isinama pa ng mga suspek si Alava, at ilang metro pa lamang ang nata­takbo ng sasakyan ay pina­baba na nito. Agad namang itinimbre ng biktima sa pulisya ang insidente dahilan upang ialarma ito sa bu­ong kapulisan at karatig siyudad.

Naispatan naman ang sa­sakyan sa may kabahaan ng Mindanao Avenue Extension. Nang tangkain ng tropa ng pulisya na pahintuin ito, bigla na lamang silang pinaputukan ng mga suspek habang papa­takas sanhi upang magkaroon ng ha­bulan at nang makorner ay doon na nagpalitan ng putok ang magkabilang panig na ikina­sawi ng dalawang suspect.

Narekober sa naturang in­si­dente ang nasabing sasak­yan gayundin ang isang ka­libre 38 baril at isang kalibre 357 na gamit umano ng mga suspek. (Ricky Tulipat)

Show comments