MANILA, Philippines - Inaasahang muling yayanig ang mga sports complex sa Maynila matapos na aprubahan ni Manila Mayor Alfredo Lim ang libreng pagpapalabas ng laban ng pound-for-pound boxer na si Manny Pacquiao sa Puerto Rican na si Miguel Cotto sa Linggo.
Ayon kay Lim, inatasan niya sina chief of staff Ric de Guzman at city administrator Jesus Mari Marzan na gumawa ng koordinasyon upang maipamahagi nang maayos ang mga tiket sa mga residente ng anim na distrito ng lungsod.
Pinayuhan din ni Lim ang mga residente na pumunta nang maaga sa mga sport complex at covered court upang maiwasan ang anumang pagsisiksikan at gulo sa pagpasok ng mga ito. Aabot sa 20,000 ang inaasahang manonood sa mga sports complex at covered court.
Layunin ni Lim na mabigyan ng pagkakataon ang mga mahihirap na Manilenyo na mapanood nang live ang laban ni Pacquiao sa Las Vegas.
Ipalalabas ang Pacquiao-Cotto fight sa Tondo Sports Complex (District 1), Patricia Sports Complex (District 2), Rasac covered court (District 3), Dapitan Sports Complex (District 4), San Andres Sports Complex (District 5) at sa Teresa covered court (District 6). (Doris M. Franche)