Taxi driver na snatcher tugis
MANILA, Philippines - Kasalukuyang tinutugis ng pulisya ang isang nakaw na taxi na ginagamit ngayon ng sindikato para sa iligal na gawain tulad ng pangha hablot ng mga bag ng mga commuters matapos muli itong umatake kahapon ng umaga sa isang empleyada sa Quezon City.
Nagbabala rin si Supt. Jesus Balingasa, hepe ng Quezon City Police District-Station 10, sa mamamayan na mag-ingat sa paglalakad sa kalsada dahil aktibo ang naturang suspek na sakay ng isang El Pueblo taxi, may plakang TYR-473 para mang-agaw ng bag.
Ito ay makaraang mabiktima ang isang Kristine Lopez, 23, dalaga, ng Grem Ville Subd., Tandang Sora sa lungsod na naagawan ng suspek ng bag na naglalaman ng kanyang pera, tatlong cellphone at mga identification cards.
Kamakalawa naman ay nagreklamo ang isang Edgar Nunez, 44, taxi driver ng Block 12, GMA Cavite makaraang nakawin ng hindi pa nakikilalang mga karnaper ang kanyang sasakyang EL Pueblo taxi (TYR-473) habang nakaparada sa may kahabaan ng EDSA, Brgy. South Triangle sa lungsod.
- Latest
- Trending