MANILA, Philippines - Nasawi ang isang midwife matapos maipit sa dalawang truck habang ang una ay tumatawid sa Caloocan City kahapon ng umaga.
Dead-on-arrival sa President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center sanhi ng matinding pinsala sa ulo ang biktimang si Richel Nepomuceno, 35, ng Acero St., Brgy. Tugatog, Malabon City. Sumuko naman ang suspek na si Edilberto Yambao, Jr., 41, ng Nueva Ecija.
Sa imbestigasyon ng Caloocan City Traffic Enforcement Unit, naganap ang insidente dakong alas-5:55 ng umaga sa kahabaan ng General San Miguel St., Caloocan City, habang tumatawid ang biktima nang mahagip ng minamanehong trailer truck (RGN-412) ni Yambao.
Minalas pa ang biktima na naipit sa kasalubong na trailer truck ni Yambao na naging dahilan upang madikdik ang ulo nito. (Lordeth Bonilla)