MANILA, Philippines - Pormal nang nagpaalam si Makati Mayor Jejomar Binay sa mga empleyado ng city hall at residente ng lungsod sa araw ng kanyang ika-67 kaarawan kahapon ng umaga.
Pinasalamatan ni Binay ang mga taga-Makati sa pagsuporta sa kanya sa loob ng 20 taon kung saan nakilala ang lungsod sa pagiging progresibo nito at kinikilala maging ng internasyunal na komunidad.
Kasabay nito, hiningi naman ni Binay ang suporta ng mga taga-Makati sa pagnanais niyang maging Bise-Presidente ng bansa sa ilalim ng tiket ng United Opposition.
Sa selebrasyon naman ng kanyang kaarawan, sinabi ni Binay na hindi umano tatakbo ang kanyang asawa na si Ellen sa pagka-alkalde ng lungsod bilang kahalili niya. Tikom naman ang bibig nito kung sino ang ieendorso maging sa plano ng kanyang panganay na anak na si Councilor Junjun Binay. (Danilo Garcia)