MANILA, Philippines - Naglunsad ng manhunt operation ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa kapatid na babae ng nasawing lider ng Alvin Flores gang na kabilang din sa grupo at isa pang umano’y miyembro nila na isang New People’s Army (NPA).
Target ngayon ng operasyon ng NBI si Merlinda Flores, alyas Mailyn Villamor at isang JR na sinasabing miyembro ng NPA. Binanggit ni NBI Director Nestor Mantaring nasa lima pa ang miyembro ng kilabot na grupo ang nakalalaya.
Ibineberipika nila ang ulat na miyembro si JR ng NPA kahit kasama rin ito sa grupo ng Alvin Flores gang.
Si Merlinda rin ang sinasabing umupa sa sinalakay na safehouse sa Plaridel Bulacan kung saan narekober ang mga matataas na kalibre ng baril, mga uniporme ng Bomb squad, PNP uniforms at Bitag T-shirts at iba pang paraphernalias sa kanilang robbery operation.
Inaalam din ng NBI ang nakalap na ulat na operator ng taxi si Flores at gumagamit ng ‘dummy’ sa kaniyang negosyo.
Nakikipag-ugnayan na rin ang NBI sa National Telecommunications Commission (NTC) upang ma-trace ang mga nilalaman ng two-way radios na nasamsam sa nasabing hide-out. (Ludy Bermudo)