MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon ang National Bureau of Investigation sa Department of Health na bumalangkas ng hakbang para hindi magamit ng masasamang elemento ang mga cosmetic surgeons sa pagpaparetoke ng mukha para makapagtago sa batas.
Inaamin ni NBI Deputy Director for Intelligence Services Ruel Lasala na hindi maaring papanagutin sa batas si Dr. Dominador Pedracio ng Clinica Antipolo dahil hindi nito alam na isang wanted na criminal ang isa niyang pasyente na natuklasang si Alvin Flores na lider ng isang holdup-robbery at napatay sa Cebu noong Oktubre 29.
Huli na umano nang madiskubre ni Pedracio na ang most wanted na robbery gang lider ang kaniyang niretoke nang mapanood sa telebisyon dahil inakala niya noon na isa itong bading, base sa pagpapakilala sa kaniya bago isagawa ang procedure.
Naniniwala si Lasala na ang mga surgeons at iba pang medical staff ay walang kamalay-malay na nagiging instrumento ng mga taong may mabibigat na kasong criminal dahil gumagamit ng ibang pangalan ang mga ito at nagtatahi ng dahilan para maka-avail ng serbisyo at maitago ang kanilang tunay na mukha at pagkatao sa mata ng awtoridad.
Nabatid na noong Setyembre 30, 2009 nang isagawa niya ang plastic surgery kay Flores na nagtago sa pangalang John Carlo Cruz Chavez.
Sa naging pahayag ni Dr. Pedracio, umaasa siya na gagawa ng hakbang ang gobyerno upang protektahan sila laban sa paggamit sa kanila ng mga kriminal. (Ludy Bermudo)