MANILA, Philippines - Mismong mga “clerk of court” ang nagbunyag na higit isang taong mabibinbin ang mga dinidinig na kaso sa Malabon Regional Trial Court makaraang bahain sa nakaraang bagyong Ondoy ang mga sala nito na ikinasira ng mga computer at nangabasa at nasira ang maraming mga importanteng dokumento sa loob ng gusali nito.
Dahil dito, nanawagan ang daan-daang nakaditineng preso na nakabinbin ang mga kaso at iba pang nakapiyansa sa Department of Justice na agad na aksyunan ang naturang problema dahil sa kawalang aksyon umano ng pamahalaang lokal ng Malabon City.
Ayon kay Gng. Zen Samson, kabilang sa mga kasong mabubulok ng higit sa isang taon ang kaso ng kanyang anak na lalaki na “frustrated homicide” na 12 taon nang dinidinig at nakatakda na sanang ipawalang-sala ng korte ngayong Nobyembre.
“Dahil sa pagkakalubog sa baha ng Malabon Regional Trial Court, isang taon na naman kaming maghihintay kahit na napatunayan na walang kasalanan ang aking anak. Nais na sanang magbagong buhay sa ibang bansa pero dahil sa nakabinbing kaso, hindi matutuloy ang pag-alis ng anak ko,” ayon kay Samson.
Sinabi ni Samson na nabatid niya sa mga “clerk” sa korte na naka-freeze ang lahat ng kaso dahil sa pagkasira ng kanilang mga computer habang marami ang mga dokumentong nasira at ang iba ay pilit nilang pinatutuyo sa pagbilad sa araw. (Danilo Garcia)