Immigrant hinoldap sa ATM booth
MANILA, Philippines - Nalimas ang lahat ng salapi at mamahaling gamit ng isang United Kingdom immigrant matapos na holdapin ng dalawang holdaper ilang minuto makaraang mag-withdraw ang una ng pera sa isang ATM sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Ang biktima na personal na dumulog sa himpilan ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Intelligence Unit upang magreklamo ay kinilalang si Godofredo Gamayon, 44, may-asawa, ward housekeeper sa UK, at residente sa # 63 Kabalitang St., Krus na Ligas, Quezon City.
Ayon sa biktima, natangay sa kanya ang isang Nokia N85 na halagang P24,000; mga credit cards; ilang piraso ng Lacoste t-shirts; at P50,000 cash.
Nangyari ang insidente sa may Aurora Blvd., Cubao partikular sa harap ng Isetann Building ganap na pasado alas-8:00 ng gabi.
Galing umano ang biktima sa pamimili sa shopping mall nang maisipan niyang mag-withdraw ng pera sa isang ATM booth malapit dito.
Nang makapag-withdraw na ang biktima ay biglang sumulpot ang mga suspek at inakbayan siya sabay deklara ng holdap gamit ang patalim.
Sa takot na may mangyari sa kanya ay walang nagawa ang biktima habang nililimas ang dala niyang mga gamit at pera kung saan nang matapos ay agad na nagsipagtakas ang mga suspek.
Nauna nang ipinahayag ng pulisya na naghahanda na sila sa posibleng pagsulpot ng mga masasamang loob ngayong nalalapit na Kapaskuhan kung saan partikular na pinag-iingat ang mga magwi-withdraw ng pera sa mga ATM booth. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending