Manyakis na holdaper nasakote
MANILA, Philippines - Isang hinihinalang holdaper ang nadakip makaraang makita siya ng isa sa mga biktima niya na isang dalaga na pinagtangkaan din niyang gahasain sa Quezon City.
Nakilala ang suspek na si Raf Jun Francisco, 23, binata, ng Phase 4-B, Package 9, Block 69, Bagong Silang, Caloocan City.
Personal na itinuro siya ng biktimang si Jecelyn Domingo, 21, estudyante, ng Sitio Mabilog, Barangay Culiat, Quezon City.
Sinabi ni Domingo na si Francisco ang nangholdap at nagtangkang gumahasa sa kanya noong Linggo ng madaling araw.
Ayon sa biktima, nangyari ang insidente nang lapitan siya ng suspek habang naghihintay siya ng sasakyan at holdapin.
Nang makuha ang kanyang N79 cellphone at wallet na may lamang P6,000 ay hindi pa nakuntento ang suspek at pilit na pinahuhubad sa biktima ang short nito.
Sa takot na magahasa ay nagsisigaw na ang biktima dahilan upang maalarma ang suspek at magtatakbo ito papatakas.
Kamakalawa ng hapon, naglalakad si Domingo malapit sa New Era nang makita niya ang suspek na pagala-gala sa lugar dahilan upang agad siyang humingi ng tulong sa mga barangay tanod at ipinaaresto ito. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending