Alvin Flores group, paralisado na - NBI
MANILA, Philippines - Naniniwala ang National Bureau of Investigation (NBI) na tuluyan nang paralisado ang grupong Alvin Flores gang dahil sa pagkamatay ng lider nila at pag raid sa umanoy hide-out ng grupo sa Plaridel Bulacan.
Ayon kay NBI Deputy for Intelligence Services Atty. Ruel Lasala, 100 porsiyento umano na wala nang kapasidad ang Alvin Flores gang upang makapambiktima pa.
Ito ay dahil sa karaniwan umano ay walong araw upang i-retrieve ng grupo ang kanilang natitirang mga armas subalit dahil sa na raid na ang kanilang hideout kamakalawa ay wala na silang mababalikan dito.
Bukod pa rito, nagtatago na rin umano ang ilan sa mga miyembro ng grupo na siya ngayong target ng operasyon ng mga awtoridad.
Sa isinagawang raid kahapon, ilang matataas na kalibre ng baril, bulletproof vests at mga bala ang narekober ng mga ahente ng NBI sa ginawang pagsalakay sa hide-out ng sindikato sa Plaridel Bulacan.
Ang Alvin Flores gang ang siyang responsable sa pagnanakaw sa Rolex store sa Greenbelt mall sa Ayala Makati nong Oktubre 11 at sila rin ang nasa likod ng serye ng panghoholdap sa mga warehouse sa Pasig at iba pang establisimento kabilang na dito ang mga Banko.
Napatay naman ang lider na si Alvin Flores at ilang kasamahan nito sa Cebu matapos ang isang engkwentro kasunod pa ang pagkakadakip sa ilan pa nilang ka-miyembro. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending