Holdaper nasukol sa kisame
MANILA, Philippines - Mistulang nasukol na daga ang isang kilabot na holdaper ng mga tauhan ng Special Weapons and Tactics unit ng Eastern Police District (EPD) makaraang magsumiksik ito sa makipot na kisame ng isang bahay, kamakalawa ng gabi sa Mandaluyong City. Nakilala ang naarestong holdaper na si Eugene Marbella, alyas Jamir, 27, ng Private Road, Brgy. Hulo, ng naturang lungsod. Pinaghahanap naman ang nakatakas nitong kasamahan na nakilala sa alyas Bryan.
Sa ulat ng Mandaluyong police, dakong alas-11:45 ng gabi nang hablutin ng dalawang suspek ang bag ng 21-anyos na si Camille Victoria Fileer, isang sales associate, habang kumakain ito sa isang tapsilogan kasama ang isang kaibigan sa may Paraiso Street, Brgy. Poblacion, ng naturang lungsod.
Mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng isang itim na Honda Wave (PB-9843) ngunit naispatan naman ang mga ito ng nagpapatrulyang pulisya na humabol sa mga ito sakay ng kanilang mga motorsiklo.
Nabatid naman na napilitang bumaba si Marbella sa motorsiklo at nagtatakbo sa loob ng kanyang bahay bago nagtago sa kisame. Ngunit naging mapursige naman ang mga pulis nang halughugin ang lahat ng parte ng bahay ng suspek hanggang sa madiskubre ang pinagtataguan nito sa kisame ng bahay. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending