Doktor na nagretoke kay Alvin Flores lumantad
MANILA, Philippines - Lumantad na kahapon sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) para magbigay-linaw ang doktor na sinasabing nagretoke sa mukha ng napaslang na lider ng robbery gang na si Alvin Flores .
Dakong alas-2 ng hapon nang dumating sa tanggapan ni Atty. Ruel Lasala, Deputy Director for Intelligence Services ng NBI si Dr. Dominador Pedracio, ng Clinica Antipolo upang linawin ang ilang isyu.
Nakiusap si Dr. Pedracio sa media na hindi muna siya dapat magbigay ng pahayag upang unahin ang paglilinaw sa NBI, at hindi rin sinagot nito ang isang katanungan, na kung siya ang nagsagawa ng plastic surgery kay Alvin Flores.
Nilinaw naman ng abogado ni Pedracio na si Atty. Virgilio Garcia, hindi naman akusado ang kanyang kliyente kundi magbibigay lamang ng clarificatory statement upang malinawan ang isyu. Naging ‘very cooperative’ naman umano ang doktor sa isinagawang pagtatanong ng NBI.
Nabatid naman sa source sa NBI na sinabi ni Dr. Pedracio na hindi niya alam na si Flores ay isa sa kanilang pasyente dahil ibang pangalan ang ginamit nito at nagdahilan pa na isa siyang bakla kaya nais na ma-enhance ang kanyang hitsura.
Sa pahayag naman ng secretary ng Philippine Society of Cosmetic Surgeons, na si Dr, Mariano Agcaoili, sa panayam ng isang telebisyon, hindi nila gawain ang mag-background check sa kanilang kliyente at may sinusunod naman na patient-doctor confidentiality.
Samantala, tuluyan na ring napasok ng NBI ang sinasabing safehouse ng Alvin Flores gang sa Plaridel, Bulacan. Nabatid na dakong alas-10 ng umaga kahapon (Biyernes) nang dumating ang search warrants at tuluyan nang pasukin ng mga operatiba ang abandonadong safehouse.
Mga matataas na kalibre ng baril, t-shirts na kinopya sa “Bitag”, uniporme ng Nasamsam sa isinagawang pagsalakay ang matataas na kalibre ng baril, mga bala at iba pang gamit sa ginawang panloloob sa Rolex store, sa Greenbelt 5 , Makati.
Sa kanilang impormasyon, ang kapatid ng napatay na si Alvin Flores, ang umupa sa nasabing safehouse na kinilalang si Merlinda Flores, may tatlong linggo pa lamang ang nakararaan.
Tugis na rin ng NBI at PNP si Merlinda dahil sa outstanding warrant of arrest na nakabinbin laban sa kaniya sa mga kaso ng robbery.
Kabilang sa nasamsam ang M-16 at M-14 armalites, shotgun, M-203, carbine at iba’t ibang uri ng bala. Nakuha din ang martilyo, PNP uniforms, bomb squad uniform, Bitag t-shirts, bolt cutter, taxi meter, taxi signage, red plates, helmets, ilang piraso ng two-way radio at iba pang paraphernalias. (Dagdag ulat ni Boy Cruz)
- Latest
- Trending