MANILA, Philippines - Binatikos ni Manila 3rd District Councilor Joel Chua si Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) President Adel Tamano hinggil sa umano’y pamumulitika nito sa halip na pagtuunan ng pansin ang kanyang tungkulin bilang pangulo ng unibersidad na karamihan sa mga estudyante ay mahihirap.
Sa kanyang privilege speech kahapon sa City Council, sinabi ni Chua na hindi dapat kumikilos si Tamano ng mga salungat sa kanyang tungkulin bilang pangulo ng PLM dahil dapat siyang maging modelo ng mga estudyante na libreng nag-aaral sa PLM.
Ayon kay Chua, pinapasahod ng city government si Tamano kapalit ang serbisyong pagtataguyod sa mga estudyante na makapag-aral ng maayos. Subalit mas binibigyan ng prayoridad ni Tamano ang paglilibot sa mga probinsiya bilang paghahanda sa kanyang pagsabak sa pulitika. Si Tamano ay tatakbo sa pagkasenador sa 2010 elections.
Lumilitaw na umaabot sa P300 milyon ang hinihinging budget ng PLM para sa taong 2010. Ang kasalukuyang budget ng PLM ay umaabot naman sa P310 milyon. Nabatid na ang PLM na ang bahala kung saan gagastusin ang budget.
Kinuwestiyon din ni Chua ang umano’y pagkakaroon ng malalaking billboard ni Tamano kung saan iniendorso nito ang kompanya ng pampaseksi. Aniya, sa pamamagitan nito ay posibleng mawala ang values ng isang tao lalo pa ng isang estudyante. (Doris Franche)