MANILA, Philippines - Natunton na ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang klinika ng doktor na umano’y nagretoke ng mukha ni Alvin Flores, ang lider ng Alvin Flores gang na napatay sa engkwentro kamakailan.
Kinilala ng NBI ang doktor sa pangalang Dominador Petracio na ang klinika ay matatagpuan sa Antipolo City.
Nasa abroad umano ngayon si Dr. Petracio kaya takda itong ipatawag ng NBI para imbestigahan kung bakit pinayagan nitong magparetoke si Flores na isang wanted sa batas.
Dahil sa pakikipagtulungan at pagbibigay ng detalye ng isang arestadong miyembro ng grupo na si Rene Batiencela, pinag-aaralan na nila itong gawing state witness sa halip na akusado sa serye ng holdapan upang maituro pa ang mga kasamahan at iba pang sub-groups na umalyado sa Alvin Flores kung sila ay may malalaking operasyon ng robbery.
Si Batiencela ay nasampahan na sa Makati Prosecutors’ Office ng kasong robbery with homicide sa Makati Prosecutor’s Office kaugnay sa madugong holdapan sa Rolex store sa Greenbelt 5, Makati.
Inamin naman ni Batiencela sa NBI na hindi niya gaanong kabisado ang galaw ng grupo dahil hindi umano madaling kausapin o lumapit kay Alvin at sinumang nais makipag-usap sa lider ay humihingi pa ng permiso sa napatay ding ‘side kick’ nitong si Richie Hijapon, alyas “Dodong”. (Ludy Bermudo)