Suspects sa 'All Saints Day robbery' tukoy na
MANILA, Philippines - Ipinagmalaki kahapon ng hepe ng Parañaque police na tukoy na umano nila ang pagkakakilanlan sa mga holdaper na nambiktima sa mag-anak na Filipino-Chinese at isa nilang bisita noong “All Saints Day” sa Roxas Boulevard ng naturang lungsod.
Sinabi ni Parañaque police chief, Sr. Supt. Alfredo Valdez na kilala na nila ang dalawa sa apat na holdaper na nambiktima sa pamilya ni Ruben Chua, asawang si Jocelyn, anak na si Denzel at bisita na si Carmelita Cho.
Tumanggi naman si Valdez na pangalanan ang mga suspek upang hindi umano mabulilyaso ang ginagawa nilang follow-up operation laban sa mga ito.
Narekober naman ng pulisya ang mga pasaporte ng mag-asawang Chua at Cho sa gilid ng highway sa bayan ng Candelaria sa Quezon kung saan itinapon ng mga tumakas na suspek.
Samantala, iginiit naman ni Southern Police District Director, Chief Supt. Jaime Calungsod na hindi pa pinasususpinde sa kanyang puwesto si Valdez dahil sa naturang insidente.
Sa kabila nito, pinagpapaliwanag naman ni Calung sod ang ilang hepe ng Police Community Precinct na nakakasakop sa lugar ng panghoholdap sa Roxas Boulevard kung bakit hindi narespondehan ang insidente sa kabila ng ipinatutupad na “height ened alert” at “police visibility” noong araw ng Undas. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending