MANILA, Philippines - Labing-anim katao ang sugatan nang mawalan ng kontrol at sumalpok sa pader ang sinasakyan ng mga itong pampasaherong van sa may IBP tunnel sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ayon sa ulat ng District Traffic Sector 5 ng Quezon City Police, nakilala ang mga sugatan na sina Teonel Tungala, 15; Erlinda David, 70; Agnes Gladio, 35; Josephine Panginan, 11; Vevencia Andagan, 43; Fernando Samonte, 13; Imelda Muranas, 42; Ronald Tadro, 24; Josephine Tungala, 43; Junard Tungla, 13; Ma. Jhanyles Tungala,10; Kim Tungala, 16; Hazzel Tungala, 13; Noven Tungala, 16; Ricky Maranas, 15; at ang driver ng bus na si Philip Villotes, 29.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa may IBP tunnel, Brgy. Batasan Hills, sa lungsod pasado alas-3 ng hapon.
Sinasabing sakay ng minamanehong assembled na Asian Utility Vehicle (AUV) ni Villotes ang mga biktima galing sa San Mateo Road patungong Commonwealth Avenue nang pagsapit sa naturang tunnel ay biglang nagloko ang preno nito.
Dahil dito, nawalan ng kontrol sa manibela si Villotes sanhi upang magtuluy-tuloy na sumalpok ito sa pader.
Ang malakas na pagkakasalpok sa pader ang sanhi upang magtamo ng mga sugat sa ulo at katawan ang mga biktima, gayundin ang driver kung kaya itinakbo sila sa mga nabanggit na ospital. (Ricky Tulipat)