Titiwalag sa 'Alvin Flores gang', itutumba

MANILA, Philippines - Bagamat natatakot para sa kanyang buhay at pamilya ang arestadong miyembro ng Alvin Flores gang sa mga naiwang kasamahan na nakalalaya pa, ikinanta nito na nagkamali lamang sila sa niloobang Rolex store sa Greenbelt 5, Makati City dahil ang pakay umanong holdapin ay ang Philippine Patek watch store doon.

Sinabi ni Rene Batiencela, ang naaresto sa pagsalakay sa kanilang hide-out sa Cebu noong Oktubre 29, na ang ka­nilang ‘pointer’ ang nagka­mali sa pagpasok ng target store kaya iyon din ang pinasok niya at may dala siya noong pulang tennis bag at nilimas niya ang mga paninda sa window dis­play, habang ang napatay na lider na si Alvin Flores umano ang nagsilbi lamang na look-out sa labas ng Rolex store.

Ani Batiencela, nanguna umano si Flores at mga tauhan nito sa pakikipagbarilan sa dalawang aide na pulis ni Taguig Mayor Freddie Tinga noong Oktubre 18. Siya umano ay armado ng kalibre .45 noon.

Nang dalhin umano sa hide-out sa Bulacan ang mga naku­limbat ay pinartehan lamang umano ni Alvin ng tig P15-libo ang mga tauhan. Naisipan niya umanong tumiwalag sa grupo subalit natakot siya dahil sa patakaran ng grupo na itutumba   ang sinumang kakalas.

May 5 buwan pa lamang umano siyang sumanib sa grupo at tatlo pa lamang na pan­­lo­loob ng grupo ang kan­yang nasamahan. Dati umano siyang nama­ma­sukan sa Navotas Fish Port bago sumali sa gang at natakot kumalas dahil baka balikan at patayin maging ang kan­yang pamilya.

Ibinunyag niya rin na ‘reto­kado’ na ang mukha ni Alvin Flores. Nagawa umano nitong magparetoke sa isang plastic surgeon sa Antipolo nang mag­panggap itong isang ‘bading’. (Ludy Bermudo)

Show comments