International Courier timbog sa NAIA, P3 milyon heroin nilunok
MANILA, Philippines - Upang makaiwas sa pag-aresto ng mga awtoridad, 34 tubes ng heroin na nagkakahalaga ng P3-M ang nilunok ng isang drug courier ng isang big-time international drug syndicates na nakorner ng mga awtoridad sa isinagawang operasyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Complex sa Pasay City.
Sa isinagawang press briefing kahapon, sinabi ni PNP Deputy for Administration P/Deputy Director General Jefferson Soriano na nabunyag ang bagong modus operandi ng isang big time international drug syndicates.
Binanggit pa nito na mga high grade heroin ang nakumpiska base sa isinagawang laboratory test ng PNP Crime Laboratory.
Naniniwala rin ang pulisya na ang heroin na ipinasok sa bansa ay bahagi ng transhipment cargo para sa ibang destinasyon.
Kinilala ni Soriano ang nasabing drug courier na si Jayson Ordinario, 22, isang dating OFW sa Macau, China na nauna nang inireport sa mga awtoridad ng kanyang mga magulang na sina Geronimo at Basilisa Ordinario na nawawala noong Linggo matapos na umano’y dukutin ng dalawang lalaki.
Ayon sa opisyal, si Ordinario ay kanilang nadakip kamakalawa sa operasyon sa NAIA Complex, Pasay City habang lulan ng taxi at pasakay sana sa eroplano patungong Macau, China.
Arestado rin sa operasyon ang dalawang hinihinalang miyembro ng sindikato na sina Jhun Enummeng ng Baguio City at Elpidio Gonzales ng Lower Poblacion, Sablan, Benguet na nag-escort sa drug courier na si Ordinario.
Nakuha mula sa mga ito ang tatlo pang tubes ng manilaw-nilaw na pulbos na napatunayang high grade ng heroin sa isinagawang pagsusuri sa PNP Crime Laboratory.
Inihayag ni Soriano na isang tipster ang nagbigay ng impormasyon sa mga awtoridad hinggil sa kakaibang modus operandi ng nasabing sindikato na nag-ooperate sa China, Macau, Malaysia at iba pang mga bansa.
Sinabi ni Soriano na lumilitaw sa imbestigasyon na ang modus operandi ay ipalunok sa kanilang courier ang tubes ng heroin na ang bawat isa ay singlaki ng bala ng shotgun upang makalusot sa mahigpit na seguridad na ipinatutupad ng mga operatiba ng batas lalo na sa paliparan.
“Imagine pag isa lang nito ang sumabog sa tiyan, this 11 grams is enough to kill him. Pero ang nilulon niya ay 34 pieces na mas malaking panganib,” ayon pa kay Soriano.
Napilitan naman ang PNP- Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) operatives na purgahin ang suspect upang ilabas nito ang nilunok na mga tubes ng high grade heroin.
Sa pahayag ni Ordinario, sinabi nito na dinukot siya ng sindikato noong UNDAS habang patungo sa Quiapo Church para magsimba kasama ang kaniyang misis sa P. Tuazon sa Balic-Balic, Sampaloc , Maynila.
Itinanggi nito na miyembro siya ng sindikato at umano’y puwersahan lamang ipinalunok sa kanya ang nasabing 34 tubes ng heroin at sindikato umano ang nagbigay sa kanya ng passport. Lumitaw naman sa pagsusuri ng mga awtoridad na labas-masok ang nasabing courier na tumitigil lamang ng isa o dalawang araw sa Macau, China base na rin sa rekord ng passport nito.
Inihayag naman ni Soriano na iniimbestigahan si Ordinario na ayon sa opisyal ay posibleng isang ‘willing victim’ ng naturang sindikato.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kasong ito.
- Latest
- Trending