MANILA, Philippines - Umabot sa P.4 milyong halaga ng pera at alahas ang natangay sa dalawang miyembro ng sikat na “Sex Bomb Dancers” matapos pagnakawan ito ng mag-amang caretaker sa lungsod Quezon.
Ito ang nabatid matapos na magreklamo sa Brgy. Pinyahan sina sex bomb dancers Aifa Medina at Aira Bermudez, naninirahan sa #94-A Matatag St., sa naturang barangay.
Ayon dalawa, nalaman na lamang nilang nawawala ang kanilang gamit at pera nang bumalik sila buhat sa pagbabakasyon sa probinsya noong Undas.
Nawawala sa mga biktima ang laptop, 2 ipod, mga alahas, cash at laman ng vault na may kabuuang halagang P400,000.
Hinala ng mga awtoridad na itinaon ng mga suspek ang pagnanakaw habang nagbabakasyon ang mga biktima.
Nabatid na bago magbakasyon ang mga biktima ay ipinagkatiwala ng mga ito sa mag-amang sina Erocth at Reynaldo Narvaza ang kanilang tahanan.
Dahil dito, agad na nagsagawa ng follow-up ang mga barangay at nahuli ang mag-ama na agad na inimbestigahan sa nasabing akusasyon. (Ricky Tulipat)