Barkers sa Edsa itataboy ng MMDA
MANILA, Philippines - Nagbabala ang Traffic Enforcement Group ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga pasaway na barkers sa kahabaan ng EDSA na kanilang aarestuhin ang mga ito dahil sa nagiging sanhi ng matinding trapiko dahil sa ginagawang iligal terminal ang ilang bahagi ng naturang highway.
Ito’y makaraang arestuhin ng MMDA-TEG ang mga barker na sina Luisito Dael, 42, at kapatid nitong si Avelino, 20, kahapon ng umaga sa isinagawang operasyon laban sa mga kolorum na FX vans sa harap ng MRT Quezon Avenue Station sa Quezon City.
Naaktuhan ang mga ito na nagtatawag ng mga pasahero sa naturang lugar na nagiging sanhi ng pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Sinampahan na ang magkapatid ng kasong paglabag sa Section 107 ng Quezon City Ordinance 3730 o mas kilala bilang “Anti-Barker law”.
Bukod sa Quezon Avenue, nabatid naman na talamak rin ang paghahari-harian ng mga sigang barker sa may EDSA-Monumento sa Caloocan City at Kamuning MRT-EDSA station na sinasabing may mga kasabwat na enforcer rin ng MMDA. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending