Cheryl Cosim tinutukan ng baril
MANILA, Philippines - Tinutukan ng baril ng hindi pa nakikilalang lalaki ang newscaster ng ABS-CBN na si Cheryl Cosim dahil lamang sa simpleng alitan sa kalsada sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Dumulog sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detective Unit ng QCPD, si Cheryl Cosim, 35, ng Windgate Villas Visayas Avenue sa lungsod para magreklamo.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang insidente sa kanto ng Visayas Avenue at Congressional sa naturang lungsod bandang alas-4:30 ng hapon.
Sinasabing sakay ng isang Mitsubishi Outlander(NZN-484) si Cosim kasama sina John at Ma nuel Alvarez, Cristina Bucayong na minamaneho ni Joselito Alvarez at tinatahak ang lugar papauwi nang gitgitin umano sila ng isang Nissan Cefiro na minamaneho ng suspek.
Ayon kay PO2 Loreto Tigno, ang nasabing driver ay nasa pagitan ng edad 40-45, na nagmamaneho ng isang itim na Nissan Cefiro (XPY-497).
Matapos gitgitin ay hindi pa nakuntento ang suspek at iniharang nito ang kanyang sasakyan at saka bumaba dito bitbit ang isang baril tinutukan si Cosim habang pinabababa sila ng sasakyan.
Nang hindi pumatol ang grupo nila Cosim ay saka umalis ang suspek at pinaharurot nito ang kanyang sasakyan papalayo sa lugar.
Nakuha naman ng grupo ni Cosim ang plaka ng nasabing sasakyan at agad na nagpasyang dumulog sa nasabing himpilan para magreklamo.
Samantala, sa isinagawang follow-up ng pulisya sa Land Transportation Office (LTO), nakapangalan ang Nissan Cefiro (XPY-497) sa isang Richard Ordonez ng Road 10, Proj-6, Quezon City na ginamit ng suspek.
Ito ngayon ang sinisimulang imbestigahan ng awtoridad para matukoy ang nasabing salarin. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending