MANILA, Philippines - Pagkalugi sa negosyo ang isa sa mga anggulong tinitingnan ngayon ng pulisya kung bakit nagpatiwakal ang isang 46-anyos na negosyante na nagbaril sa ulo kahapon ng umaga sa lungsod ng Caloocan.
Nasawi noon din ang biktimang si Esteban Espiritu III, 46, nakatira sa Mac Arthur Highway ng lungsod na ito.
Lumalabas sa inisyal na report ng Caloocan City Police, alas-6:30 ng umaga nang makita ang bangkay ng biktima sa loob ng kuwarto nito sa nabanggit na lugar.
Hawak pa ng biktima sa kanang kamay nito ang isang kalibre .45 baril na pinaniniwalaang ginamit sa pagpapakamatay.
Napag-alaman, na problema sa negosyo ang sinasabing dahilan upang magpakamatay ang biktima.
Isa sa mga negosyo ng biktima na nabanggit ay ang mga paupahang apartment, gayunman hindi na idenitalye ng mga kaanak ng biktima sa Caloocan City Police kung ano pa ang iba nitong negosyo.
Isa sa mga anggulong iniimbestigahan ng pulisya ay ang pagkabangkrap nito, sa kabila nito ay inaalam pa rin ng mga imbestigador kung may naganap na foul play sa naturang insidente.