MANILA, Philippines - Isang 15-anyos na dalagita ang nasa kritikal na kondisyon matapos pagtulungang gulpihin ng pitong tomboy habang namumulot ng kandila upang ibenta kamakalawa ng gabi sa lungsod ng Caloocan.
Inoobserbahan sa East Avenue Medical Center sanhi ng matinding pinsala sa leeg ang biktimang si Maricar Siguane, taga-Libis, Baesa ng lungsod na ito.
Nadakip naman si Ma. Victoria Battad, 18, ng Reparo St., Bagong Barrio, Caloocan habang nakatakas sina alyas Jessica; Baby Jane; Apple; Maru; Singkit at isang hindi pa nakikilalang kasama ng mga ito.
Sinabi ng ina ng biktima na si Maritess, 33, naganap ang insidente kamakalawa ng gabi sa Eternal Garden, East Bagong Barrio.
Sumama sa kanya ang dalagita upang makatulong sa pamumulot ng mga kandila.
Nagkahiwalay ang mag-ina sa pamumulot at nang muling magkita ay halos gulay na ang biktima, punit-punit ang damit at nananakit ang leeg. (Lordeth Bonilla)