MANILA, Philippines - Pinagpapaliwanag nga yon ni National Capital Region Police Office Director Supt. Roberto Rosales ang pamunuan ng Southern Police District at Parañaque Police sa umano’y palpak na “police visibility” matapos na malusutan ng mga holdaper na “riding in tandem” na namaril sa balikbayang Filipino-Chinese sa Roxas Blvd., Manila kamakalawa.
Sinabi ni Rosales kina SPD Director C/Supt. Jaime Calungsod at Parañaque Police Chief Sr. Supt. Alfredo Valdez na nais niyang malaman kung bakit nagawang makalusot at hindi nasagupa ng kanilang mga tauhan ang apat na armadong suspek sakay ng motorsiklo na nangharang at namaril sa van na sinasakyan ng balikbayan na sina Ruben at Jocelyn Chua at kasamahan na si Carmelita Cho.
Nais ni Rosales na rebisahin ang “deployment” ng mga pulis sa naturang distrito at sa Parañaque habang inatasan rin na makipagkoordinasyon sa isinasagawang manhunt operation ng Manila Police District na siyang sumaklolo sa mga biktima.
Sa imbestigasyon, sinundo sina Chua at Cho ng kanilang mga kaanak sakay ng isang Nissan Vanette (UFK-596) buhat sa Ninoy Aquino Internatinal Airport at binabagtas ang Roxas Blvd. sa Parañaque City nang paputukan ng dalawang suspek na angkas sa dalawang motorsiklo at nagawang tangayin ang kanilang dalang pera, alahas at iba pang mahahalagang gamit.
Bagama’t nagtamo ng tama ng bala, nagawa pa ring paandarin ni Ruben ang van kung saan nawalan ito ng kontrol pagsapit sa tapat ng Diamond Hotel sa Maynila at mabangga sa isang puno. Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Arquiza police station ng MPD kung saan isinugod ang mga biktima sa pagamutan. Masuwerteng hindi naman tinamaan ng bala ang 13-anyos na si Denzel Chua.
Dahil dito, mahigpit na inatasan ni Rosales si Calungsod at Valdez na bumuo ng “crack teams” upang magsagawa ng puspusang manhunt operation upang madakip ang mga suspek. Mahigpit rin nitong pinaalala ang pagbabantay sa mga shopping malls, transport terminals, mga kalsada at iba pang matataong lugar.
Inutusan rin nito ang mga police commanders na paigtingin ang inspeksyon sa mga “riding in tandem” sa motorsiklo at ang pagpapatupad ng “no plate, no travel policy”.