1 todas sa 'Halloween party'

MANILA, Philippines - Isang masayang Hal­loween­ party ang nauwi sa madugong pagtatapos nang mapatay ang isang lasing na 18 anyos na binata dahil sa panggugulo umano sa seleb­rasyon sa Quiapo, Maynila kahapon ng madaling-araw.

Sa kalye pa lamang ay binawian na umano ng buhay ang biktimang si Christopher Tangog, residente ng 438 J. Nepumuceno St., Quiapo bagaman nadala pa siya sa Mary Chiles Hospital kung saan idineklarang dead on arrival sanhi ng saksak sa likurang bahagi ng katawan. Nagtamo din siya ng tama ng bala sa kaliwang braso nang magpaputok sa ere ang isa sa organizer ng sayawan.

Kusang sumuko sa pulisya ang nakabaril na si Hilario Bar­bado, 32 anyos, civilian agent ng Intelligence Services of the Armed Forces of the Philippines at pamangkin nitong si Santos Acongca, 21, walang trabaho, na siya uma­nong sumaksak sa biktima. Sila ay kapwa residente ng Balmes St., Quiapo.

Naganap ang insidente sa may panulukan ng Pelaez at Nepumuceno sts, sa Quiapo.

Nabatid na kabilang ang magtiyuhing Barbado at Acongca sa namamahala sa pasayawan o Halloween party na sinimulan ng gabi ng Ok­tubre 31 at bukas sa lahat na nais magsayaw ang okasyon.

Ilang oras na umano ang nagaganap na sayawan nang pumasok ang biktima na lasing at nangungulit umano sa ilang kabataan hanggang sa mauwi sa kaguluhan. Inamin ni Barbado na nagpaputok siya sa ere bilang warning shot para matigil ang ram­bulan subalit di inaasahan umanong sa braso ng biktima tumama ang bala.

Si Acongca naman ang itinurong sumaksak sa biktima kaya nang tumimbuwang ay isinugod kaagad sa ospital subalit hindi na umabot ng buhay. (Ludy Bermudo)

Show comments