Pekeng plastic surgeon timbog

MANILA, Philippines - Takdang kasuhan ngayon ang isang sinasabing pekeng “plastic surgeon” makaraang maaresto sa isang entrapment operation sa Caloocan City kamakailan.

Kasalukuyang nakakulong sa himpilan ng Caloocan City Police ang nasakoteng sus­pek na si Rosalina Tan, nasa hustong gulang, at residente ng Hill Crest, Camarin, ng naturang lungsod.

Inaresto ang suspek base sa reklamo ng isang biktimang nakilalang si Mary Grace Villa­nueva, 48-anyos, resi­dente ng Taytay, Rizal.

Ayon kay Villanueva, naki­lala niya si Tan noong Hulyo 2004 na nagsabing isa siyang mahusay na doktora at eks­perto sa pagretoke ng iba’t ibang parte ng katawan. Dahil umano sa pang-eengganyo, na­papayag si Villanueva na iparetoke ang kanyang mukha upang kuminis at pumuti sa halagang P10,000.

Naisagawa naman ang naturang operasyon sa isang maliit na klinika sa Malabon City ngunit makaraan ang ilang araw ay nagkaroon ng problema matapos na maim­peksyon ang ipinaretokeng mukha ni Villanueva.

Magmula noon ay hindi na makontak at hindi na nakita ng biktima ang nagpakilalang doktora nang hindi na ito ma­ha­gilap sa dati nitong klinika. Sa loob ng limang taon ay nagdusa ang biktima sa na­sira niyang mukha dulot ng palpak na operasyon.

Kamakailan, nakarating kay Villanueva ang impor­masyon na nakatira ang sus­pek sa Camarin sa Caloocan kaya agad itong humingi ng tulong sa isang public service program sa telebisyon na siya namang nakipagkoor­dinas­yon sa Caloocan police para magsagawa ng entrapment operation.

Dinakip si Tan kamaka­lawa habang nakatakdang isailalim sa operasyon ang isang ba­ baeng asset na kunwaring magpaparetoke ng mukha at dibdib. Nang isa­ilalim sa bere­pikasyon, naba­tid na hindi lisen­syado ang suspek para umopera. (Danilo Garcia)

Show comments