4 na Tsinoy niratrat sa Malate
MANILA, Philippines - Pinagbabaril ng hinihinalang mga holdaper ang isang van na sinasakyan ng apat na miyembro ng isang pamilyang Filipino-Chinese sa Roxas Boulevard, Malate, Maynila mula nang sundan umano sila ng mga suspek sa Service Road ng Parañaque City bago tuluyang limasin ang kanilang mga dala-dalahan at salapi.
Sa kabila ng tinamong bala sa likod, nagtangka pang idiretso sa pagamutan ng sugatang biktimang si Ruben Chua, 44, ng 12th Street, New Manila, Quezon City, ang minamanehong sasakyan mula Parañaque hanggang sa Maynila upang takasan ang mga holdaper subalit sa dami ng dugong nawala ay nahilo ito at bumangga sa puno.
Sugatan din ang asawa ni Chua na si Joselyn, 41, at biyenang si Clarita Jo, 69, na kapwa nagtamo ng bala sa katawan. Masuwerteng nakaligtas sa bala ang anak ng mag-asawa na si Denzel, 13 anyos.
Agad rumesponde ang mga tauhan ni Manila Police District-Station 5 Chief P/Supt. Romulo Sapitula at naabutan ang nakabangga pang pulang Toyota Lite-Ace ng mga biktima sa isang puno, malapit sa Diamond Hotel, panulukan ng Quintos St. at Roxas Boulevard.
Nauna rito, dakong alas-8:30 ng umaga nang maganap ang insidente, ilang minuto lamang umano mula nang sunduin ng mag-asawang Tsinoy ang maglola mula sa Ninoy Aquino International Airport sa Parañaque.
Paghinto sa red traffic light ng sasakyan ng mga biktima sa Roxas Boulevard, sumulpot ang riding-in-tandem na mga suspek na armado umano ng kalibre 9mm na baril at dinikitan ang van at inutusan ang mga biktima na buksan ang pintuan ng sasakyan.
Nang hindi sundin ni Ruben ang mga suspek ay pinutukan siya at kaniyang pamilya subalit nagawa niyang koberan ang anak na nakapwesto sa harapang passenger seat kaya nabaril siya sa likod.
Tinamaan naman sa kanang paa ang kaniyang misis habang ang biyenan ay sa kaliwang paa nagtamo ng bala.
Puwersahan ding binuksan ng mga suspek ang van at nilimas ang lahat ng mga bagahe.
Nang masaksihan naman ng guwardiyang si Randy Gallardo, nakatalaga sa Manila Diamond Hotel, agad niyang itinawag sa pulisya at nagpatulong siya sa taxi driver na si Edgar Urata na dalhin sa Ospital ng Maynila ang mga biktima.
Ayon pa sa ulat, ang sugatang mag-ina ay ginamot sa OSMA habang inilipat naman sa Metropolitan Medical Center si Ruben dahil kailangang operahan.
Sinabi ng imbestigador na natangay ng mga suspek ang di pa nabatid na cash mula kay Ruben, mamahaling ‘Nine West’ bag na may lamang US$700; P8,000, dalawang passports, cellphone at credit cards. Bukod dito, tinangay din umano ang Nine West bag ng biyenan na may lamang P10,000 cash, cellphone at credit cards at ilang bagahe.
- Latest
- Trending