Gun amnesty pinalawig ng PNP
MANILA, Philippines - Magandang balita sa mga may humahawak ng hindi lisensyadong baril dahil binigyan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang mga ito ng 30 araw na extension para magparehistro ng kanilang mga armas.
Ito ang sinabi ni Philippine National Police chief Director General Jesus Verzosa, matapos na payagan umano ng Pangulo ang kanilang kahilingan para sa nasabing extension na sana’y nagtapos kahapon.
Kasunod nito, nangako si Verzosa na ipagpapatuloy ng PNP ang police operation para sa implementasyon ng national firearms control program laban sa loose firearms. Sinabi ng opisyal, sa ngayon matagumpay namang natugunan ng kanilang hanay ang target na itinakda ng pangulo para bawasan ang bilang ng loose firearms sa 3% kada buwan simula noong July, 2009.
Aniya, umabot sa kabuuang 171,337 mula sa 1.1 million loose firearms na kanilang target ang nakumpleto nila simula Oktubre 28, 2009.
Kaugnay dito, ayon kay Civil Security Group Director Chief Supt. Ireneo Bacolod, may kabuuang 15,394 loose firearms ang ipinarehistro ng mga gun owners sa loob ng nakalipas na tatlong buwan simula nang ipatupad ang general firearms amnesty para dito.
Base sa rekords, lumilitaw na may kabuuang 150,886 expired firearms licenses ang na-renewed, habang ang mga baril naman nasa kustodiya ng korte at iba pang ahensya ng pamahalaan ay may administrative procedures pang ipapatupad para bilangin ito.
Nilinaw ng opisyal na sa larangan ng operasyon may kabuuang 4,957 loose firearms sa magkakahiwalay na police operation ang nasamsam. Sa kabila nito, giit ni Bacolod kailangan pa umanong bigyang ng sapat na oras ang mga gun holders para pa-renew nila ang kanilang mga baril. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending