MANILA, Philippines - Patay ang isang negosyante makaraang mabaril ng isang hinihinalang magnanakaw matapos magpambuno ang mga ito sa baril nang maaktuhan ng una ang huli habang pagala-gala sa kanyang compound sa lungsod Quezon kahapon ng madaling- araw. Dalawang tama ng bala, isa sa ulo at kaliwang tagiliran ang tumapos sa buhay ng biktimang si Rogelio de Dios, 53, ng A. Bonifacio St., Brgy. Pag-ibig sa Nayon sa Balintawak sa lungsod.
Ayon sa ulat, ang suspect ay isinalarawan lamang sa edad na 20-25, payat, may taas na 5’2”-5’3” at nakatakip ang mukha.
Nangyari ang pamamaril sa biktima sa loob mismo ng compound nito ganap na alas-2:10 ng madaling- araw. Bago nito, nagising umano buhat sa pagkakatulog ang biktima nang makarinig ito ng ingay mula sa pinapaupahang apartment kung saan nakita nito ang suspek na pagala-gala sa compound.
Agad na ginising ni De Dios ang kanyang live-in partner na si Susanita Torino para humingi ng tulong sa kanyang kapatid na naninirahan malapit sa kanila.
Ngunit nang makalabas si Torino para humingi ng tulong dalawang putok ng baril ang umalingawngaw mula sa kanilang bahay, sanhi upang agad na bumalik ito at makita ang biktima na duguan nang nakahandusay sa semento.
Sinasabing paglabas ni Torino ay nilapitan ng biktima bitbit ang .9mm na baril ang suspek na nakakuha ng tiyempo at dinamba ang baril na nagresulta sa pag-aagawan hanggang sa manaig ang huli at pagbabarilin siya. (Ricky Tulipat)