MANILA, Philippines - Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga kagawad ng anti-carnapping section ng Quezon City Police laban sa grupo ng mga carnapper na tumangay ng sasakyan ni partylist representative Neri Culmenares kahapon ng umaga.
Ayon sa pulisya, inilagay na nila sa alarma ang sasakyang Toyota Corolla Sedan (UUT-120) ng kongresitang si Culmenares na tinangay ng mga suspek sa harap ng headquaters ng kanilang partido sa 45 K-7 St., Brgy. Kamuning sa lungsod.
Nabatid na pasado alas-5 ng umaga nang matuklasan ng mambabatas ang pagkawala ng kanyang sasakyan matapos na tignan niya ito sa paradahan.
Ayon kay Culmenares, ipinarada niya ang kanyang sasakyan sa harap ng kanilang headquarters ganap na ala-1 ng madaling-araw bago nagpalipas ng magdamag, hanggang kinaumagahan ay nawala na ito. (Ricky Tulipat)