Dalaga lumagok ng silver cleaner, patay

MANILA, Philippines - Matapos mabasa ang text message sa cell­phone ng live-in partner, nagpaka­matay dahil sa matinding selos sa pa­ma­magitan ng paglagok ng silver cleaner ang isang 24-anyos na da­laga na ikinasawi nito sa Tondo, Maynila, kamaka­lawa ng hapon.

Kinilala ang nasawi na si Ana Marie Palawan, isang sales lady ng Block 13 Lot 6 San Dionisio St., Tondo, Maynila.

Sa ulat ni Det. Jona­than Bautista ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-3:15 ng hapon nang madiskub­reng nagpaka­matay ang biktima sa loob ng bahay ng kan­yang kapatid sa #385 Pacheco St., Tondo.

Nabatid na una nang nagkaroon ng tampuhan ang biktima at live-in partner nito na si Angelito Albay kaugnay sa isang text message ng isang babae sa cellphone ng huli na nabasa ng una na naka­saad ang ganito “I love you and I miss you”.

Nagbanta na umano ang biktima na kung hindi magbabago si Angelito ay magsisisi ito sa kan­yang ginagawa.

Kinabukasan umano ay humingi pa ng pera ang nasawi kay Angelito at saka umalis ng bahay upang magtungo sa bahay ng kapatid.

Nang papasok na ng trabaho si Angelito ay si­nilip niya sa bahay ng ka­patid ang ka-live-in na solo umanong umiinom ng alak na pinayuhan pa niya na huwag masya­dong umi­nom at kumain muna.

Dakong alas-3:04 ng hapon nang makatang­gap ng text message si Ange­lito mula kay Ana Marie na ga­nito ang sina­sabi “Hu­wag mong kali­mutan na mahal na mahal kita. Huwag mong pababayaan ang iyong sarili. Sana maging ma­saya kayo at wala kang pagsisisihan. Gud luck mahal.”

Bandang alas-3:15 ng hapon nang matagpuan ng isang Joan Rodriguez, re­sidente ng lugar, sa ilalim ng hagdanan ng bahay ang biktima na nakahan­dusay at sa tabi nito ay isang bote ng silver cleaner na hinihi­nalang ininom nito. (Ludy Bermudo)

Show comments